*Para sa isang tunay na kaibigan, salamat sa iyong pag-aalaala at pagmamahal. Sana di na tayo maging sawi pang muli.

October 20, 2003
9: 20 pm

Kamusta na? Ang tagal na mula nung huli tayong nagkita. Summer pa noon at nagitla ka sa haba ng buhok ko. Akala ko nga kung sinong mama yung gumulat sa akin sa may waiting shed, ikaw lang pala.

Ugali mo talaga yon. Manggulat. Parang dati nung nagkasalubong tayo sa Recto, nung Marso pa yata yun.

Na-miss kita.

Aba, hindi ka na magugulat na sinabi ko yun. Sa bawat text at missed call at pati tawag ay yun ang hindi ko nakakaligtaang sabihin. Paano ba naman, bihira na lang tayo magkita, lalo na nung nag summer na. Mabuti pa noong January; kada lingo ay dumadaan ako sa college mo para bisitahin ang mga kabarkada ko na kaklase mo rin. Pag tapos na akong makipagdaldalan sa kanila, tayo naman. Kuwentuhan tungkol sa acads, kaibigan, love life, org. Masaya ako sa pagtatapos ng lingo dahil alam kong nakausap ko na naman ang aking matalik na kaibigan.

Hindi ko inakalang magiging ganito tayo kalapit kahit na bihira na tayong nagkikita. Di ko malilimutan ang unang beses na nagtext ka sa akin, tungkol sa sine ni Richard Gere na Autumn In New York. Mahilig ka pala sa romantic movies, inirekomenda mo pa nga yung Sweet November. Doon nagsimula ang kulitan natin.

Gabi-gabi, bago matulog, nagtetext. Nagbibilang kung gaano pa katagal bago mag Pasko. Nag-aasaran. Nagkukulitan. Nagpapadala ng kung anu-anong kabalbalan. Minsan, kahit madaling araw na, tatawag ka pa para lang sabihin na tapos ka nang mag-aral sa BA 99.1. Weird mo talaga.

Nakakatawa. Buti na lang at hindi ako nagkamaling mahulog ang loob ko sa iyo. Ikaw din, may iba kang napupusuan noon, at siyempre, ako itong si ubod ng ingat sa pakikitungo sa iyo, baka kasi may magselos. :

Nakilala mo kung sino ako. Pinakilala mo sa akin kung sino ka. At higit pa doon, itinuring mo akong matalik na kaibigan, at ipinagkatiwala ang iyong mga lihim sa akin. Ako din ma'y ganoon. Kaya't tuwing ako'y malungkot, sa iyo ko unang sinasabi ang nadarama ko at lagi kang nariyan para sabihin sa akin na lagi ka lamang nariyan.

It's gratifying to know that someone cares for me this much. Thank you very much. I hope you understand that I do care for you as well, and that I will be always here for you, no matter what.

Magkatext tayo noon. Di ko alam kung anong nakain mo, basta't tinext mo yan. Di ko malilimutan yan; dahil sa gitna ng kalungkutang nararamdaman ko noon, may isang lalaking nagsabi sa akin na lagi lang siyang nasa tabi-tabi basta't kailanganin ko siya.

Hindi mo lang alam, lagi kitang kakailanganin. At hindi ko lang din alam, kinailangan mo rin pala ako.

Isa sa mga pagkakapareho natin ay ang pagkabigo sa pag-ibig. Pinaasa ka ng nililigawan mong dati mong matalik na kaibigan. Ako naman, kahit na wala talaga akong napupusuan noon, niloko ako ng isang taong inakala kong matalik na kaibigan. Naging masakit ang dagok na iyon. Ngunit mas lalong sumakit ang hapdi nang malaman kong nagkapareho na naman ang tadhana natin.

Noong sinabi mong nilayuan mo na siya dahil hindi mo na kayang tiisin ang sakit ng kaalamang hindi na siya sa iyo, umiyak ako. Alam mo yun. Dahil hindi ko maatim na ang isang napakabait na tao ay nanghihina at umiiyak. Ikaw yun. Hindi ko matiis na makita kang ganoon.

Para bang gusto kong pawiin lahat ng nararamdaman mong sakit.

At ikaw naman, gusto mo nang patayin ang lalaking nangloko sa akin.

Nakakatawang isipin na akala ng mga kakilala natin, may namamagitan nila. Nakakatawa dahil kahit minsan ay hindi ko naisip yon. At gaya ng sabi mo, hindi mo rin maisip na maging tayo. Sa totoo lang, hindi ko mahihingi iyon. Sapat nang nakilala kita at naging kapatid at matalik kong kaibigan kahit na hindi tayong ganoong nagkikita. Yung tipong alam ko at alam mo na nariyan lang ang isa't isa para iyakan, balitaan ng magandang balita, at tawanan. Yung maka-chat lang kita sa Yahoo at nakipagkulitan na naman ikaw ay masaya na ako. Yung tipong marinig lang kitang natatawa ay napapawi ang pagkalumbay ko.

Nagpapasalamat ako at nakilala kita.

Nang dahil sa iyo, ngayon ko naranasan kung paano magmahal ng tunay sa isang kaibigan.

Jay.

Aking kaibigan, mahal kita at maraming salamat.

welcome to version7.1 // where is the love? // about the version // writings // linkages
yeba!version7.1____where's the love?
all rights reserved + copyright 2003
layout and design by webdiva: //kate
for comments, suggestions, contributions
contact: thegshift@yahoo.com