Pag-ibig
by Dadu Alloy

Mula sa iyong pagbangon siya na kaagad ang nasa isipan mo. Kahit ba
umaaraw at sobrang init sa kwarto mo, o di kaya'y umuulan at
nawiwisikan ka na ng tubig sa mukha, di ka mapatigil sa iyong pag-
ngiti.

Sa paghilamos, hindi mo nakikita ang sarili mo kundi ang kanyang mga
naggagandahang mata. Mapupusok at wari'y may gustong iparating sa
iyo.

Habang pababa ka sa hagdan ang bawat yapak ng paa mo ay parang tibok
nang puso mo. Di mo na napapansin na mukha ka nang tanga kasi
umagang-umaga pa lang ay mukhang sabog at high ka na.

Mula dito ay tulala ka na lang sa lahat ng ginagawa mo… nagiisip.

Napapansin niyo ba? Kahit saan ka mapadpad mistulang lahat ng bagay
na makita mo ay nakakapag-paalala sa iyo? Kahit wala nang katuturan
ay magagawan mo pa rin ng koneksyon? Kahit parang baliw ka na sa
harapan ng mga kaibigan mo, okay lang kasi nararamdaman mo siya?

Sa isipan mo nakikita mo na na may patutunguhan ang lahat ng ito, at
kapag nandun ka na… paraiso. Doon na lang nakatuon ang pansin mo,
isang magandang kinabukasan na sana'y siya ang kasakasama.

Hay pag-ibig.

Ngunit isang araw bigla ka na lang matatauhan.

Putangina ilusyon lang pala lahat. Gusto mo na lang mamatay kasi
umasa ka pa. Aaalingawngaw sa ulo mo "ayan kasi, di nagiisip"… totoo
nga naman, bakit nga ba ako di nag-isip?

Gago, bobo, at tarantado tuloy ang tingin mo sa sarili.

Wala na ang dating abot-tengang ngiti. Napalitan na lahat ng hapdi
na hindi mo matukoy kung saang lupalop ng katawan mo ba
nanggagaling. Naglaho na ang magandang disposisyon na nakasanayan mo
sa mga nakaraan na buwan. Sa isang idlip, umikot ang iyong mundo.
Bumaligtad at nawawala ka sa kaibuturan nito…

Sa totoo lang, mas mahirap pa yung ganito kasi dito nararamdaman mo
yung sakit e. Buti pa yung patay deadma lang.

Wala na yatang sasakit pa sa biyak na puso. Wala ka ngang sakit pero
mas malala pa yung nararamdaman mo sa taong may dengue… maniwala
kayo, nakaka-tatlo na ko.

Halos walang bagay o tao ring makakatulong sa `yo.

Sabi nila "maging masaya ka na lang para sa kanya" sus! Yun lang ba?
E madali lang yun. Pano naman ako? Mahal ko rin sarili ko.

Sa tuwing makikita mo ang larawan niya at ang larawan ng kanyang bf
sa friendster e hindi mo talaga maamin sa sarili mo na mas bagay nga
sila, pero totoo

…at `yun ang masakit.

At kung di pa tama yun, at parang kinukutya ka pa ng mundo, ngayon
may picture pa sila na magkasama… kasalanan mo, tinignan mo e

… gago, bobo, tarantado.

Di naman naging kayo pero bakit ganoon na lang ang sakit… siguro
kasi minahal mo siya kung paano mo mahalin ang isang tunay na
kasintahan. Libre naman magmahal di ba? Pero sa susunod, konting
isip lang

… pagbabayaran mo kasi yung mali mo.

Ayaw ko na nang ganito…

welcome to version7.1 // where is the love? // about the version // writings // linkages
yeba!version7.1____where's the love?
all rights reserved + copyright 2003
layout and design by webdiva: //kate
for comments, suggestions, contributions
contact: thegshift@yahoo.com