intro .. photos .. writings .. linkage .. tag the blog

tapos...
by julie

Itinulak ng araw ang kadiliman
Isang bagong umaga ang dumampi
Bumalot sa akin ang hamog
At nilanghap ko ang amoy ng alon
Sumusugod, kumakapit sa dalampasigan.

Pagmulat ko ay nakikita ko
Mga katig na umuuga sa bigat ng isda
Aapak ako sa buhangin na aking pinanggalingan
Habang nag-aalay ng pasasalamat sa Lumikha
Sasalubungin ko ang liwanag.

Tapos… kawalan
Maliligaw ang aking isipan
Maaalala ang pagkakataong
Dumampi ang labi mo sa akin
At niyakap ako nang magpakailanman.

Tapos… kawalan
Nakita ko ang araw na ako'y lumuha
Nakita kang may kahagkan na iba
At nang ako'y iyong nilingon
Kay pait ng iyong halakhak

Tapos… kawalan
Tayo'y mga batang naghahabulan
Naghaharutan, nag-iibigan
Kumislap ang iyong mga mata
At ninais kong lagi na makapiling ka.

Tapos… kawalan
Tumawa ka nang pinanood natin
Paglubog ng araw at pagsabog ng gabi
Tumawa ka pagka't ako'y nagduda
Sa iyong pagtingin sa akin na puno ng saya

Tapos… mababalik ako sa mundong ito
Inaalala ang nakaraan na hinayaan kita
Mawalay sa aking piling samantalang
Inakala ko na ang ating pag-iibigan
Di kukupas, di matatapos, walang hanggan.

Tapos.
Hanggang ngayo'y di ako malaya
Pagka't siya man ang iyong irog
Ay nakaukit ang iyong alaala
Kahit na nais ko nang umibig sa iba.

yeba!site___version 6
photograph of you
all rights reserved
copyright 2003|rigor butch
thegshift@yahoo.com