intro .. photos .. writings .. linkage .. tag the blog

Leche Flan
by Cy

“Last na ‘to.”

Nabaon na naman sa limot ang pinapangarap kong 25-inch waistline. Nasimot ko na naman ang isang liyanera. Ang sarap talaga ng leche flan ni Tita Tess…

Magaling ding gumawa noon ng leche flan si mama. Maraming umo-order, kaya walang tigil ang ugong ng blender at kalampag ng mga gamit sa kusina.

Nang mamatay siya, biglang natahimik ang kusina. Kasama niyang naglaho ang sigla ng lugar na ito. Itinago na sa kahon ang mga liyanera. Wala nang gagamit sa mga iyon.

Nag-asawa uli si papa. Mabait si Tita Tess pero hindi pa noon palagay ang loob ko sa kanya.

Hindi nagtagal, naging magkasundo kami. Pero hindi ko pa rin mapigilang mainis tuwing naglalambingan sila ni papa. Hindi kasi naging ganun ka-sweet sina mama at papa. Nagseselos ako para kay mama.

Lalo akong nanggalaiti nang magbenta ng leche flan si Tita Tess. Pati ba naman iyon, papapelan niya? Ipinagdasal kong huwag bumenta ang leche flan niya. Mas masarap pa rin ang gawa ni mama.

Pero talagang mabait sa amin si Tita Tess. Ni minsan ay hindi niya kami minaltrato. Higit sa lahat, mahal na mahal niya ang tatay ko. Sapat na ang mga iyon para pumurol ang kamalditahan ko.

Tuluyan nang nahulog ang loob ko sa kanya. Hindi na ako nagngingitngit (lumulundag pa nga ang puso ko) kapag tinatawag niya akong anak. May nanay na ulit ako!

Naging malambing ako kay Tita Tess. Mas napahalagahan ko na rin ang pag-aalaga niya. Unti-unti nang sumasarap ang leche flan niya sa panlasa ko.

Mahal na mahal ko na si Tita Tess. Minsan nga, nakokonsensiya ako dahil hindi ko naiparamdam kay mama ang ganitong pagmamahal.

Tuwing naiisip ko si mama, puro masasakit na alaala lang ang bumabalik. Iyong mga panahong pinapaluhod niya ako, pinapalo habang sinasabing mamamatay siya sa kunsumisyon at hindi sa kanser. Alam kong nasabi lang niya ang mga iyon dahil galit siya.

Pero anong magagawa ko? Iyon ang mga nakatatak sa memorya ko.

Nagi-guilty ako. Nanay ko siya kaya dapat siya ang mas matimbang. Minsan, naiisip ko, nalulungkot kaya si mama? Nagseselos kaya siya kay Tita Tess?

Alam kong minahal niya ako. Pero napakaunti ng masasayang alaalang bumabalik sa akin.

Alam kong masarap ang leche flan ni mama. Pero limot ko na ang lasa nito.

yeba!site___version 6
photograph of you
all rights reserved
copyright 2003|rigor butch
thegshift@yahoo.com