intro .. photos .. writings .. linkage .. tag the blog

kolonyal
by julie

Wari ko'y mga pitong taon na akong nagsusulat. Unang napukaw ang hilig ko sa mga salita noong ako'y natanggap na manunulat sa isang pambatang magasin, ang Junior Inquirer (JI). Taong 1996 noon at malaki pa ang pag-aalinlangan ko sa aking kakayahang bumuo ng matinong pangungusap. Isinulat ko ang una akong artikulo sa JI sa wikang Ingles. Pinagpatuloy ko ang pagsusulat sa Ingles hanggang 1999.

Inaamin ko na nagsimula ako bilang isang kolonyal na manunulat. Ang ibig kong sabihin ay natuto akong magsulat sa wikang banyaga at hindi sa sariling wika. Apat na taon pa lamang ako ay nakakapagsalita na ako ng Ingles dahil ang aking mga tiyo at tiya ay mga taga Estados Unidos. Pag sinusulatan nila ako ay laging Ingles ang gamit nilang wika. Nakakabasa na rin ako ng mga nobela gaya ng The Hardy Boys at Nancy Drew Mysteries sa ganoong edad. Ang kuwento nga sa akin ng Kuya ko, naiintindihan ko na rin ang Philippine Daily Inquirer at pati ang mga textbook na ginagamit nila sa kolehiyo (particular ang mga libro tungkol kay Gat Jose Rizal). Nakakatawang isipin dahil nangyari ang lahat nito bago ako mag walong taong gulang.

Natatandaan ko pa na kahit mula pagkabata, Ingles pa rin ang gamit ko pati sa pag-iisip. Tumatakbo ang utak ko gamit ang mga salitang Ingles at tinitingnan ko pa sa diksyunaryo. Nakakaintindi naman ako at nakakapagsalita ng Pilipino, ngunit hindi kasing bihasa sa pagsasalita at pagsusulat ko ng mga liham sa Ingles.

Naging mahirap para sa akin ang magsulat sa Pilipino. Hindi dahil sa hindi ako marunong. Hindi ko magamay ang damdamin at balarila ng wikang ito. Kaya't bobo ako sa Pilipino kahit nang maabot ko ang mataas na paaralan. Hanggang ngayon ay hindi ko alam ang mga terminong pangngalan, pang-uri, simuno, panaguri at kung anu-ano pa. Pero ang masaklap dito ay sa kinatagal-tagal kong nanirahan sa Pilipinas, hindi ko sinubukang aralin nang mas malalim ang wika nang maging bihasa ako sa pagsasalita at pagsusulat dito. Nanatili akong manunulat sa wikang Ingles at pumurol ang aking pag-unawa sa pambansang wika.

Nagkataon lamang noong ako'y nasa ikatlong taon ng hayskul na ako'y napilitang gumamit ng Pilipino sa aking pagsusulat. Napilitan kasi akong kumuha ng Malikhaing Pagsusulat sa Pilipino dahil naubusan ako ng bakansya sa Filipino Drama subject namin. Mabait naman ang aking guro, si Prop. Villegas, ngunit nanatili akong matigas at hindi ko inisip na kaya ko ring magsulat sa Pilipino. Madalas akong tulala sa klase upang hindi ko marinig ang mga aral sa pagpapantig, pagbubuo ng salita, at pag-iisip ng konsepto para sa maikling kuwento. Kung minsa'y nakikipagdadalan ako kay Paul, isang maangas na basketbolistang mahilig pumorma at magpapogi sa aming mga babae noon. Nasayang ang isang buwan ko dahil sarado ang aking pag-iisip.

Hindi ko alam kung paano ko biglang naisulat ang una kong tula sa Pilipino. Basta't ang tanda ko'y tungkol ito sa mga talang nahuhulog mula sa langit. Medyo may kahirapan ang aking simula, ngunit para mapadali ang aking gawain ay isinalin ko ang aking mga kaisipan sa Pilipino mula sa Ingles. Medyo magaspang ang pagkakayari ng mga taludtod ngunit naintindihan ng aking propesor ang nais kong ipadama. Di ko malilimutan ang kanyang isinulat sa aking papel: May kakayahan kang ipahayag ang iyong saloobin sa wikang atin. Tuklasin mo ito upang pagyamanin ang iyong sarili bilang manunulat.

Para bang natunaw ang katigasan ng aking ulo. Kaya ko palang magsulat sa Pilipino! Kaya't tuwing may pagkakataon, sinusubukan kong isulat ang aking mga saloobin sa Pilipino. Hindi sa Ingles, di tulad ng aking nakagisnan. Tinulungan ako ng aking propesor na itama ang aking mga pagkakamali sa balarila at pinagyaman niya ang aking talasalitaan. Di nagtagal ay nakabuo ako ng koleksyon ng aking mga tula, sanaysay, maikling kuwento atbp na siyang nagkamit ng 1.0 sa klase. Sayang nga lamang at ninakaw ng isa kong kaklase ang aking proyekto. Yun lamang ang tangi kong kopya.

Pitong taon na akong nagsusulat, at apat na taon ang ginugol ko sa pagsusulat sa Pilipino. Natuklasan kong hindi naman ito taliwas sa aking pagsusulat sa Ingles; imbes ay lalo pang napagyaman ang aking mga salitang maaaring gamitin upang ipahayag ang aking naiisip. May mga bagay na mas ninanais kong sabihin sa Ingles, ngunit ang kakulangan ng Ingles ay hindi sapat ang kanyang mga salita upang isalamin ang kontekstong Pilipino. Ang Pilipino naman, para sa akin, ay romantikong pakinggan dahil sa mga makata nitong kataga. Kaya't sa ngayo'y masaya akong nagsusulat sa dalawang wika na akala ko dati'y magkalaban sa diwa at salita.

Oo, ako dati'y kolonyal na manunulat. Ngunit ngayo'y nakabalik na ako sa pinag-ugatan ng aking dila, at ito ang wika ng aking dugo at kaluluwa.

yeba!site___version 6
photograph of you
all rights reserved
copyright 2003|rigor butch
thegshift@yahoo.com