
Lahat tayo'y may mga tinatagong bahagi ng ating pagkatao. Lahat tayo'y mga aktor sa malaking entablado ng mundo; may mga sari-sariling papel na ginaganap. At sa mga papel na ito, ay may sari-sarili tayong entabladong ginagalawan.
Ako'y isa ring aktor. Aktor na maraming entabladong ginagalawan, maraming papel na sinusubukang gampanan. Ngunit hindi ko ginaganap ang aking papel dahil sa ito ang hamon ng pang-mundong entablado. Ginaganap ko ang aking mga papel dahil ako'y maraming tinatago sa mga kapwa ko aktor.
Tinatago ko ang lahat, ang buo kong pagkatao. Inililihim ko ang aking mga lakas, nang sa ganoon ay hindi ako pagsamantalahan ng ibang tao. Binabalutan ko ang aking mga kahinaan upang maiwasan ang madalas kong pagluha at pagtangis sa bawat pagsikat ng umaga. Malamig at walang init ng pakikipagkapwa ang aking yakap, dahil ayokong maging malapit sa mga taong nasa paligid. Huwad ang aking bawat ngiti, sa takot ng hindi nakikitang pighati. Tila walang ekspresyon ang aking mga mata, nang walang makasilip sa aking kaluluwang malubha ang karamdaman.
Marami ang aking mga papel sa pangmundong entablado. Ako'y gumaganap bilang bunsong anak, makulit na kapatid. Pag sa eskuwela'y masinop na mag-aaral, palabirong kaklase sa labas. Sa mga ibang gawai'y isang pinuno na ang hangad ay tagumpay. Sa mga kaibiga'y isang tagapayo, pader na sinasandalan, takbuhan pag may kailangan.
Sa lahat ng aking mga papel at entablado, iisa ang nanaig
na katangian: ang pagiging matatag. Tila ba sa bawat aspeto ng aking pagiging
aktor, ako dapat ay hindi natatalo, nabibigo, o bumibigay sa tukso o suliranin.
Ang anumang pag-aalinlangan sa aking pagkilos ay patunay ng aking kahinaan
at kabiguan. At sa aking pagganap sa bawat papel, laging naroon ang malamig
na titig ng mata, ang patlang sa pakikitungo sa iba, ang maingat na distansya
sa pakikitungo sa iba.
Siya ring nakakapagod ang paglipat-lipat ng mga entablado. Ngunit ito ay tawag ng pangangailangan at hindi ko sariling kagustuhan. Isang pangangailangan na huwag na muling masaktan ng anumang bagay, pangyayari o tao man. Isang pangangailangan na umiwas sa pagkabigo, pagkadapa, o panghihina ng loob. Isa itong pangangailangan na hindi ko mapupunan kung hindi ko gagampanan ang aking mga papel sa entablado. Isang pangangailangan na nagmula sa pangungutya sa akin noong aking kabataan. Isang pangangailangan na ang pinagmulan ay ang takot sa malaking mundong aking ginagalawan.
Maraming beses na rin akong nabigo bilang aktor. At dahil sa ayaw kong nakikita ako ng mga tao na nanghihina at lumpo, pinapalitan ko ang aking mga entablado ng mga mas matitibay, mas perpekto. Mas mapanlinlang at huwad. Ito'y sa madaliang paraan, bago nila makita kung gaano kalungkot at miserable ang taong nasa likod ng maskara.
Minsa'y napapaisip ako kung sapat na ba ang mga ginawa kong entablado. Kung sapat na ba ang mga maskara na papalit-palit kong isinusuot sa pang-araw-araw. Kung lulusot na ba ako sa pangingilatis ng lipunan; kung papasa na ba ako sa kanilang mga panghuhusga sa aking kakayahan bilang bahagi ng kanilang makinarya.
Nakakalungkot isipin na kailangan ko pang magtayo ng aking mga entablado at gumanap ng aking mga papel dahil sa marami kong takot na hindi ko maibahagi kahit kanino. May mga pagkakataon na aking naiisip, "Ano nga ba ang mas mahalaga, ang aking pagganap o ang pagiging totoo kung sino ako?" Ngunit isusumbat naman ng isa sa aking mga papel, "Iya'y isang katanungan na hindi mo maaaring sagutin; tanging mga tunay na tao lang lamang ang nakakaintindi ng pagpapakatotoo."
Mas nakakalungkot isipin na sa pagkatagal-tagal ko sa entablado, wala pa akong nakilalang tao na sumubok kumilala kung sino talaga ang tao sa likod ng maskara. Matagal na ang panahong lumipas at hindi pa rin ako nakakatagpo ng taong alam ang aking mga lihim na takot at ang aking mga kahinaan. Hindi ko pa naibabahagi kanino man ang aking mga pangarap, pag-aalinlangan, at panaginip. Hindi ko pa nadama ang tunay na pagkalinga at pagmamahal mula kanino man; bagama't naranasan ko na kahit papaano ang masaktan dahil sa pagkabigo sa pag-ibig. Samakatwid, ang nakikita lamang nila ay ako bilang aktor; hindi ako bilang taong puno ng kapintasan. Maaaring hindi talaga nila ako makilala sa dami ng aking maskara; maaaring sila din ay mga aktor na gumaganap ng kanilang papel sa entablado. O maaari ding sapat na ang kanilang nakikita; sapat na upang ako'y kasangkapanin sa pangmundong entablado.
Oo, ako'y isang aktor na maraming papel, maraming entablado. Isa akong aktor na maraming tao na ang naloko at niloko sa aking pagganap. Isang aktor na pilit itinatago ang tunay na katauhan, sa takot na ang katotohanan ay hindi matatanggap ng manonood at ng mga kapwa-aktor. Ako'y nga'y isang aktor, ngunit kulang ang pagiging tao. Isang mapagkunwari at mapanlinlang na hindi makaalis sa sapot ng takot at pag-aalinlangan.
Ngunit dahil ganito ang entablado ng mundong aking ginagalawan, panghabang buhay akong magiging aktor na bulag sa kabutihan ng sangkatauhan. Dahil ganito ang aking paligid, ipagpapatuloy ko ang nakagisnan kong propesyon.
Ako'y isang tunay na aktor, ngunit isang huwad na tao.
yeba!site___version 6
photograph of you
all rights reserved
copyright 2003|rigor butch
thegshift@yahoo.com